I’ve Become Dust Powder

November 21, 2009

You broke me down
Too many times i can’t even bear to count
Millions of shattered pieces scattered everywhere, like flying deadly shrapnels
I thought that was it
Now you turned me into dust powder.

Wala Kang Alam

September 23, 2009

Alam mo ba…
…kung pano ako kinikiliti sa kaunting sulyap na iginagawad mo sa akin?
Oo, walang ibig sabihin sa iyo, pero napahinto mo ng ilang segundo ang pag-ikot ng mundo ko.

Alam mo ba…
…na bawat hakbang natin sa tuwing nagkakasalubong tayo’y nabibilang ko?

Alam mo ba…
…na laging sumasagi sa akin kung paano ka ngumiti? Nakaukit. Dito sa tumitibok kong puso.

Alam mo ba…
…na sa kakaunting mga pagkakataong nagkasama tayo noon, habambuhay na inspirasyon ang dulot nuon?

Alam mo ba…
…na hinahanap ko ang halimuyak mo sa bawat taong nakakasalubong ko?

Alam mo ba…
…sa tuwing naglalakbay ang isip ko, iisa lang ang destinasyon nito?

Sa iyo.

You sa English.

Din sa Chinese.

Państwo sa Polish.

Sa madaling salita, IKAW.

Lagi. Parati. Nagsasawa na nga ako paminsan. Dahil alam kong hindi mo naman alam. At kahit na malaman mo. Matatawa ka lang. At masha-shock. AT THE SAME TIME. Tulad ng dati.

Walang pinagbago.

Sa kabilang banda, ok na ko dito. Sa mga nalalaman kong hindi mo alam.Para parehas tayong mukhang tanga.

~aKDa

Siya. At Sila.

August 26, 2009

naglalakad sa gitna ng nagbabagang init ng sikat ng araw

nakangiti. mapupungay na mga mata.

di yata’t maraming mga bagay na nagpapasaya sa kanya.

walang lingon-lingon

di alintana ang mga taong bumabangga sa kanya

manhid ang kalamnan sa mga sakit ng mga estranghero sa daan.

nakapagtataka. misteryosa. nakakagalak. nakakahawang kasiyahan.

inggit ang lumamon sa madla

pagkahabag ang tugon ng iilan

kasiyahang puro para sa nabibilang

ang natira’y walang pakialam.

inggit na tumubo at inani.

isinaing at naging pagkamuhi.

madilim na bukas ang natatanaw sa pinagtagpuan ng langit at lupa

hindi ko na nais makita pa ang madugong hinaharap para sa kanila.

pagkahabag na dulot ng maling akala

“ang modernong bersyon nga ba ni sisa?!” ang wika nila.

pagkahabag na bunga din ng munti ngunit itinatagong inggit sa liblib ng kanilang pagkatao

mga mapagkunwari. mga hangal na walang ipinagkaiba sa nauna.

kasiyahang puro. tulad ng mga ulap sa kalangitan.

walang kasing puti. walang kasingtahimik.

ni bahid ng karungisan ay di matanaw man lamang

pero mabilis magbago ang panahon

ang ihip ng hangiy biglang nagbabago ng direksyon.

ang ulap na walang dungis sana

nababahiran ng kadiliman na dulot nila.

dumidilim ang kalangitan

nagbabadya ang isang matinding pagkaguho

ng damdamin. pagmamahal. at kasiyahan.

saan sila nagtungo?!

natabunan ng mga gahiganteng butil ng ulan

ang pagtangis ay nalunod sa mga galit at balisang mga kulog

walang patawad na kadiliman

dinudungisan ang mga purong butil ng ulan.

ang mga naiwang walang pakialam.

mga tila’y tinakasan ng kanilang mga sariling emosyon patungo sa kalawakan

nasa kalagitnaan. walang matinong panig. walang matatag na paninindigan.

bahiran mo ito ng konting sakit. katiting na pagdugo.

makikita mong naghihimagsik ang tunay nilang damdamin.

nanduruon

nakatago sa kasuluk-sulukan ng kanilang mga puso.

mapangahas na mga salita ang mamumutawi sa mga labi,

tatarak na parang punyal sa dibdib

duguan. nakahandusay.

nakangiti. mapupungay na mga mata.

hanggang sa huling sandali, lahat ay magiging talunan.

walang maghahari. lahat ay magiging alipin.

alipin ng mga kani-kaniyang emosyon

emosyon na siya ring kakain sa kanilang mga prinsipyo

mga nawalang prinsipyo na huhubog sa nabagong pakatao.

nandon siya, naglalakad, patungo sa kawalan.

Alarm

June 24, 2009

Naglalarong mga emosyon. Piko. Habulan. Tumbang preso. Tagu-taguan. Laging talo. Ang walang pakundangan mong pagdalaw sa aking balintataw. “Consolation prize”, ika nga.

Nakakabagabag. Nakakairita. Pero nakakakiliti sa aking sensasyon. Hindi tama. Maling ruta ng pag-iisip. Punyeta.

Sa pagpikit ng aking mga talukap, ang mapupungay mong mga mata’y palagi na lamang nakapako sa akin. Langit. Dito na nga ba ang aking paroroonan? Sa bawat pagsamyo ko sa halimuyak na tangay mo, ramdam ko ang saya ng mga bubuyog sa panahon ng pamumulaklak. Nakakabaliw. Nakakasira ng ulo.

Mumunting mga hakbang papalapit sa isa’t-isa. Mahigpit na yapos ang iginawad sa akin. Habol ko ang aking hininga. Hindi dahil sa higpit ng iyong yakap. Kundi dahil sa kabog ng aking dibdib sa di makatotohanang paraiso na nakahain sa aking harapan. Matagal. Mabagal na paghinga. Ramdam ko ang lambot ng ulap sa iyong mga bisig.

“Jai ho, you are the reason that I breathe. Jai ho, you are the reason that I still believe. Jai ho, you are my destiny, Jai Ho!” Lintek na. Padabog na pinulot ang aking telepono, asar na pinatay ang maingay na tunog.

Hinatak na ako ng umaga pabalik sa lupa. Lagapak at sugatan. Sa pagmulat ng aking mga mata, nanatili ka na lamang sa mapaglarong imahinasyon. Panaginip. Nakakagalak na panaginip.

Ilang araw na nagdaan. Mga oras na lumipas. Mga upos ng sigarilyo sa sahig. Ang maingay na bentilador sa sulok. tsirang rice cooker sa kusina. Wala akong maisip. Wala akong maramdaman.

Madaling araw.

Hinayaan kong tumipa ang aking mga daliri sa mga letra sa aking harapan upang makabuo ng mga salita. Ng diwa. Ng may katuturan. At damdamin.

Bibihira na akong makapagsulat sa mga panahong tulad nito. Napakadami ko na kasing ibang naiisip gawin. Madaming mga gustong panuorin. At mga librong babasahin. Madami. Hindi maisingit ang pagsulat. Tsktsktsk.

Sa kailaliman ng gabi, habang papapikit ang aking mga mata, nasulyapan ko ang iyong imahe. Nandito, sa puso ko. Noon pa. Natambakan lang ng iba pang mga alaalang dapat ay kinaligtaan na. Nakakalungkot isipin ang mga naganap, pinagpilitan nga lamang ba? Pero sa kabilang banda’y may ngiting dumudungaw, panibagong pagkakataon na naman ito para sa akin. Meron nga bang pagkakataon? Gayong ako’y takot at nanliliit sa aking sarili sa paligid mo at ng mga taong nakapaligid sayo.

Nagising ako sa gitna ng kailaliman ng gabi. Tinig mo ang nagpabangon sa akin. Nakakakiliting sensasyon, at pantasyang puno ng iba-ibang emosyon. Ang iyong mga mata, nakatitig sa akin. Ano na nga ba ang aking dapat gawin? Kelan? May panahon pa ba? Ngayon na nga ba ang tamang panahon?

Hinay-hinay akda, nakakalito ang kalaban. Marami ang maaaring mawala sa iyo. Kasama na ang iyong integridad. Idahan-dahan, walang nagmamadali. Darating din tayo dyan. Darating nga ba tayo doon? Saan? May madadatnan ba ako? O, mag-isa ko lamang tinahak at tinapos ang gulo?

Mapagbiro ang tadhana. Lahat ng bagay ay dumudulas papalayo sa akin. Parang kakaulan lamang gayong napakataas ng sikat ng araw. Pano ko kukunin ang pagkakataong ito kung hindi ako sigurado, at takot akong maging para sa akin to?

Habang sinusulat ko ito’y pasingit kong binabasa ang chapter 451 ng Naruto. Kung saan naghahalo din ang masaya at malungkot na mga emosyon. Nakakalito. Nakakabagabag.

Tulad na lamang ng paglalaban ng aking isipan at ng mapaglarong tadhana. Madugo. May banid ng luha. Pero naroon ang pag-asa.

Labu Mo.

February 27, 2009

Naaninag kita sa di kalayuan

Nakangiti

Nais kong humiyaw

Ilang segundo ang nakalipas bago ako nahimasmasan

Tinakbo ko ang iilang metrong agwat natin

Nakangiti ka pa rin

Binilisan ko pang lalo

Hakbang. Hakbang. Hakbang.

Hingal. Hingal. Hingal.

Sinlawak ng dagat ang hinakbang

Ang pagod at pawis ay di ko alintana

Kaunti na lamang

Isang metrong espasyo

Sa pagmamadali kong maglaho na ang ating agwat

Di napansin ang sementadong pader sa aking harapan

Napapikit

Pero huli na ang lahat.

Sa unti-unting pagpasok ng liwanag sa aking paningin,

Dugo ang unang bumungad sakin

Kirot ang dulot

Masdan mo ang namuong dugo

Hawiin mo ang buhok na nababad sa lawa ng pulang likido

Napapikit ako

Napaluha

Walang pumunas sa mainit na likidong dumaloy sa aking mga pisngi

Masakit

Mas mahapdi ang sugat sa puso ko

Kaysa sa sugat ng katawan ko

Bago takasan ng katinuan

Huling sambit ko na lamang

Mahal kita. Sobra.

Balintataw

February 26, 2009

Sa kalagitnaan ng aking pagmumuni-muni

Naaninag kita sa aking balintataw.

Namumutla

Nanghihina

Sinalo kita sa aking bisig

Tama na.

Tahan na.

Nandirito pa rin ako

Handang sumalo sa iyo.

Pagdilat ng aking mga mata

Hangin ang natagpuan sa aking mga bisig

Walang puknat ang pag-agos ng aking mga luha

Nabasag ang natitirang katinuan

Lumuha hanggang matuyo ang batis sa aking mga mata

Maghihintay sa iyong pagdapo

Hindi wawakasan ang kabaliwan

Unsent Letter

February 23, 2009

Inspired by Stargirl (Jerry Spinelli. Love, Stargirl)…

February 23, 2009. Just minutes before midnight.

Dear Future Boyfriend,

Hi! I was caught by the emo bug again earlier this evening. Nah, I don’t think it was the emo bug. I think it’s the love bug (Jonas Brothers!?!). I never stopped thinking of you. I swear. Oops! Maybe you don’t like girls who swear. But who cares?!

When was the last time I saw you? Hmm… I remember it like it was just yesterday (of course it can’t be yesterday, yesterday was Sunday, no classes, haha.). Guess what? I was surprised (just like everybody else) to see you wearing glasses. My brain was laughing out loud; I wasn’t sure at that moment if I can hold it in. But still I did. You really looked kinda… off? I can’t grasp the right words, but you still appeal to me. A friend even teased me I wasn’t looking straight at you. I don’t have to. Your gorgeous face is already etched on my mind (although they say you’re not gorgeous. For me you are, PERFECT). I can’t look at you. I do not carry the courage I always had. You weaken my knees. You’re my kryptonite.

After a few days, I gathered all the courage I can get to call you. Yeah, I did. I don’t think you remember it anyway, but try checking your Call Logs. It was last week. And all I had to ask was one stupid thing about our academics. That’s all. I asked it anyway, even though I already knew the answer. My prepaid load flushed down the drain, but that didn’t matter. I heard your voice.

We had a long weekend. Not together, but I know we both had it. No Monday classes. You, no Saturday classes. Me, no Tuesday classes. Right, both long weekends. How was yours? I can’t really miss you. You’re always on my mind. How can I ever miss you? Plus, I like it this way. ‘Cause whenever I get the chance to see you, or talk to you, I go stutter my words out. I just want to invite you for a yosi break, and I don’t even have the courage to do so. Stupid me.

Well, anyway, my back hurts now. So, see you on Wednesday, or maybe, Thursday. Rumor says morning classes are suspended on Friday (university-wide event chorva), so you don’t really have to wake up that early. Yay for you! ^_^

Goodnight. Take care of yourself. And please, don’t self-destruct.

aKDa.

Wrong Turn

February 21, 2009

mali. hindi dapat. pero ayokong tapusin. gusto kong magpatuloy.

Yung tipong kinikilig ka araw-araw. Namimiss kita oras-oras. At nararamdaman kong tumatakbo ang kuryente sa aking kalamnan sa bawat pagkakataong sasabihin mong mahal mo ako, kahit hindi yon totoo. Kahit sinabi mo lang yon, para may masabi ka lang. Pero mas mahal kita kesa sa inaakala mo. Seryoso.

mali. hindi dapat. pero ayokong tapusin. gusto kong magpatuloy.

Ako, Ikaw, Sila.

February 16, 2009

Sila’y ating pagmasdan. Kamuhian at kainggitan. Isang kaning lamig, at isang bagong saing. Isang ginto, at isang tanso na pinagpipilitang paghaluin.

Walang kwenta.
Walang patutunguhan.

Ako ang masa.
Ako ang manghuhusga.

Walang makakalusot sa aking mga mapanuring mga mata. Mga matang walang ibang nakikita kundi ang kapintasan ng iba.

——————————

Mga matang nanlilisik. Nakakapaso. Binabalatan ako ng buhay. Inaaninag ang kasuluk-sulukan ng iyong kaluluwa. Nababanaag ko ang mga mapagsamantala nilang mga pahayag.

Que sehodang…

Magkaiba ang mundo natin.
Magkalayo ang ating mga pananaw sa buhay.
Hindi parehas ang paborito nating pagkain.
Tubig at langis ang ating pagkatao.

Seryoso ka.
Patawa ako.
Matalino ka.
Lagpak ako.
Tahimik ka.
Maingay ako.
Pili ang mga kaibigan mo.
Wala akong pinipiling kaibigan.
Masipag ka.
Nuknukan ang katamarang biniyaya sakin.
Hinahabol ka.
Tinataboy ako.
Astig ka.
Nagpapakulo lang ako masyado.
Misteryoso ka, ika nga.
Nakakalat ako, parang tae sa kalsada.
Wala kang bisyo [nuon]
Marami na kong bisyo, bago pa ata ako iniluwal ng nanay ko.
Plantsado na ang buhay mo.
Ako, isasampay pa lang.

Inaabangan ko na lang na kamuhian mo ako. Itaboy, at ibasurang tulad ng isang chewing gum. Pero hindi mo ginawa. Sana, ginawa mo na lang.
——————————

Mga matang nanlilisik. Nakakapaso. Binabalatan ka ng buhay. Inaaninag ang kasuluk-sulukan ng aking kaluluwa. Nababanaag ko ang mga mapagsamantala nilang mga pahayag.

Que sehodang…

Magkaiba ang mundo natin.
Magkalayo ang ating mga pananaw sa buhay.
Hindi parehas ang paborito nating pagkain.
Tubig at langis ang ating pagkatao.

Lagi mo ngang bukambibig na…

Seryoso ako.
Patawa ka.
Matalino ako.
Lagpak ka.
Tahimik ako.
Maingay ka.
Pili ang mga kaibigan ko.
Wala kang pinipiling kaibigan.
Masipag ako.
Nuknukan ang katamarang biniyaya sayo.
Hinahabol ako.
Tinataboy ka.
Astig ako.
Nagpapakulo ka lang masyado.
Misteryoso ako, ika nga.
Nakakalat ka, parang tae sa kalsada.
Wala akong bisyo [nuon]
Marami ka ng bisyo, bago ka pa iniluwal ng nanay mo.
Plantsado na ang buhay ko.
Ikaw, isasampay pa lang.

Lahat ng yan, nanggaling sayo. Ang mga iya’y di ko puna. Wala akong nakikitang hindi maganda.

Palagi mo na lamang inaabangan na kamuhian kita. Itaboy, at ibasurang tulad ng isang chewing gum. Pero hindi ko ginawa. Dahil hindi ko kaya. At wala akong planong isakatuparan yon. Dahil mahal kita.

Wag mo silang pansinin. Ang kanilang mga puna’y walang ibubungang mabuti sa atin. Ang ating kinabukasa’y satin lamang nakasalalay.

Walang ibang may hawak ng manibela. Ikaw lamang at ako. At lahat ng pagaalinlangan mo’y, buburahin ng ating baligtarang maskara.